Bagyong Isang, pasok na sa Pilipinas

PUMASOK na sa Philippine Area of Responsibility at tinawag na Isang ang bagyong binabantayan sa silangang bahagi ng Luzon.

Sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services (PAGASA), umaga ng Huwebes nang pumasok sa teritoryo ng bansa ang bagyo na huling namataan sa layong 1,280 kilometro ng silangan ng Hilagang Luzon.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras at pagbugsong 55 kilometro kada oras na kumikilos sa bilis na 30 kph.

Gayunman, sinabi ng PAGASA na hindi inaasahan na direktang makakaapekto sa bansa ang bagyong Isang kaya’t maaaring hindi na magtaas ng ano mang babala.

Mananatili umanong malayo sa kalupaan ng Pilipinas ang bagyo na hindi rin makakaapekto sa mga baybayin.

Sa araw ng Linggo inaasahan ng PAGASA na lalabas ng PAR ang bagyo na mananatiling tropical depression hanggang sa humina at maging low pressure area sa Lunes.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.