Nilagdaan ni Bataan Governor Abet Garcia ang Inter-Agency Task Force (Provincial-IATF) Resolution No. 28 na nagsasaad ng mga guidelines at protocols para sa muling pagbubukas ng mga hotels, resorts, at iba pang parehong establisimiyento para sa pagtanggap ng mga turista mula sa loob at labas ng Bataan.
“Ang lahat po ay kinakailangang magpakita ng valid ID, medical certificate galing sa Rural Health Unit at travel pass kung saan sila nakatira,” pahayag ni Garcia.
Samantala, para sa mga hindi taga-Bataan, karagdagang requirement naman ang hahanapin kabilang ang reservation voucher sa hotel o resort na pupuntahan, QR Code upang makapasok sa border, at resulta ng RT-PCR test kung sila ay mananatili sa Bataan ng isang gabi o mahigit pa.
Dagdag pa ng Gobernador, mariin pa rin niyang pinaalalahanan ang lahat na bagamat maraming magaganap na pagtitipon ngayong Kapaskuhan, manatili pa ring mapagmatyag at maingat na sundin ang lahat ng primary health protocols.
Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask at face shield lalo na aniya kung may mga kahalubilo, mag-obserba ng social distancing, maghugas at mag-disinfect parati ng kamay at ng mga bagay na madalas hawakan.
Sa latest update ng Bataan PHO ay umabot na sa 3,281 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa Covid-19 sa Bataan kung saan 2,963 ang nakarekober kaya’t nasa 250 na lamang ang active cases at naitala naman sa 68 ang bilang ng mga nasawi.

