AABOT sa mahigit P34 milyon na halaga ng ayuda o financial assistance ang sinimulang ipamahagi na ngayong Martes sa bayan ng Abucay, lalawigan ng Bataan.
Ito ay alinsunod sa pagsasailalim ng lalawigan sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula Agosto 8-22, 2021 at ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbibigay ng suportang pinansyal sa mga naapektuhan nito sa Bataan.
Ayon kay Abucay Municipal Administrator Engr. Estoy Vergara na siyang kumatawan kay Abucay Mayor Liberato Santiago, Jr., nagsilbing pilot area sa distribusyon ang Barangay Gabon.

Ang aktibidad ay sinaksihan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Asst. Sec. Rhea Peñaflor kasama ang iba pang opisyal at kawani ng mga nabanggit na ahensya, matapos ang isinagawang launching nito sa Barangay Colo sa Bayan ng Dinalupihan.
Ang mga LGUs ng Bataan, sa pangangasiwa ng pamahalaang nasyonal, ay naatasang ipamahagi ang tulong pinansyal sa kani-kanilang nasasakupan katuwang ng DSWD, DILG at ang Philippine National Police (PNP) naman para sa pagbabantay at pagpapatupad ng seguridad pangkalusugan at pangkapayapaan sa mga distribution areas.
Ayon sa DILG, ang tulong pinansyal ay direktang ipamamahagi sa mga kinauukulang LGUs para sa pagbibigay ng cash aid sa mga apektadong residente sa halagang P1,000 bawat indibidwal, at aabot hanggang P4,000 bawat pamilya.
Sa kabuuan ay nasa mahigit P699 milyon ang inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa lalawigan ng Bataan sa ilalim ng naturang programa.

