INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na tao dahil sa human trafficking at nasagip naman ang mahigit 100 indibidwal mula sa isang club sa Makati City.
Naikasa ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa na binubuo ng NBI-Organized and Transnational Crimes Division (OTCD), Makati Social Welfare Development (MWSD), NBI-Human Trafficking Division, Inter-Agency Council Against Trafficking, at iba pang non-governmental organization.
Ayon sa NBI, inaresto nito ang operator ng club pati na ang isang indibidwal na tumanggap ng bayad mula sa mga biktima sa isinagawang entrapment at rescue operation noong Marso 7.
Nang i-assess ng MWSD ang 102 customer care assistant (CCAs) ng club, anim sa mga ito ay boluntaryong nagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay sa NBI, at kinumpirma ang pagkakaroon ng sexual offers at aktibidad na ibinibigay sa mga kostumer ng club nang may bayad.
Samantala, sinabi ng NBI na iprinisinta na sa inquest proceedings sa Makati Prosecutors’ Office ang mga hinuli dahil sa paglabag sa Section 4(a) ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

