Apat na ospital sa Maynila, ‘di muna tatanggap ng COVID-19 patient

PANSAMANTALANG hindi muna tatanggap ng bagong pasyente ng COVID-19 ang apat na pampublikong ospital na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng saki na dinadala sa mga pagamutan.

Sa kanyang The Capital Report, sinabi ni Manila Mayor Francisco Domagoso na agad nitong pinulong sina Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, Manila Health Department (MHD) Director Dr. Arnold “Poks” Pangan, at mga director sa anim na pampublikong ospital sa Maynila na kung maaari ay dagdagan ang mga COVID bed sa kani-kaniyang mga ospital.

Kabilang sa anim na pampublikong ospital sa Maynila ay ang Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Tondo, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center at Justice Jose Abad Santos General Hospital.

Binigyang-diin ng alkalde na madali lang magdagdag ng mga kama ngunit ang problema ay mga medical professionals na siyang mag-aalaga at magbabantay sa mga COVID patients.

“Kase po yan ay may kanya kanya silang mga gamit, propesyon, o what you called specialty. Lalo na yung mga infectious disease doctors. Yan po ang mga sitwasyon na hindi madaling magdagdag ngunit gagawan natin yan ng paraan,” giit ni Domagoso.

Batay sa pinakahuling datos ng MHD, umabot na sa 84 percent occupancy rate ang COVID bed capacity sa lahat ng district hospital sa lungsod kung saan sa kabuuang bilang na 310 Covid beds capacity, 259 na dito ang okupado.

Habang ang mga Quarantine Facility sa lungsod para sa mga COVID-19 positive cases ay umabot na sa 95 percent ang occupancy rate kung saan naokupahan na ng may bilang na 542 ang kabuuang bilang na 570 bed capacity nito.

Sa pinakahuling ulat nitong Marso 26, 2021, pumalo na sa kabuuang bilang na 3,548 aktibong kaso ng COVID-19 ang naitala sa lungsod habang nasa kabuuang bilang na 32,619 ang gumaling sa nasabing sakit at 884 ang kabuuang naitala na nasawi.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.