IPINATAPON na ng Bureau of Immigration (BI) pabalik sa Japan ang apat na Japanese national na wanted sa kanilang bansa.
Kinilala ang apat na Japanese na si Fujita Kairi, 24 anyos; Kumai Hitomi, 25 anyos; Terashima Haruma, 28 anyos; at Sato Shohei, 32 anyos, na isinakay ng Japan Airlines pa-biyaheng Narita International Airport matapos na bansagang “undesirable aliens” ng BI.
Sina Fujita at Kumai ay inaresto ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa Parañaque City na may standing arrest warrants na inisyu ng Tokyo Summary Court noong September 2022 dahil sa kasong theft na isang paglabag sa Japanese Penal Code. Pinagdudahan din sila na kasabwat sa “Luffy” case na bumandera sa balita sa Japan.
Habang si Terashima ay nasabat ng BI Satellite Office sa SM Aura sa Taguig noong Pebrero 28 kasunod ng tangkang pagpapalawig ng kanyang tourist visa. Si Terashima ay nagpanggap na isang police officer at empleyado ng Japan Ministry of Finance upang makapagnakaw ng mga ATM card.
Si Sato naman ay wanted sa Japan dahil sa pagnanakaw at naaresto ng mga opisyal ng FSU sa Newport Blvd. sa Pasay City.
Ang apat ay kabilang sa BI blacklist na pinagbabawalan nang muling makabalik ng bansa.