SUGATAN ang apat na katao matapos na mahulog sa ilog ang isang truck dahil sa bumigay na bakal na tulay sa Brgy. San isidro, Majayjay, Laguna kaninang umaga.
Kinilala ni Laguna Provincial Police Office Director PCol. Rogart Campo ang mga biktimang sina Jieron Benlot 34 anyos, driver ng truck, at ang mga pasahero nitong sina Den Fernandez, 42 anyos, Noel Clemente , 44 anyos, at Jeffry Pinino, 29 anyos.
Ayon kay Col. Campo, binabaybay ng nasabing 12-wheeler truck na may kargang buhangin ang kahabaan ng provincial road nang biglang bumigay ang tulay na dinadaanan nito.

Dahil dito ay nahulog sa ilog ang truck na may lalim na 80 talampakan na siya namang ikinasugat ng apat na sakay nito.
Nabatid na nagmula pa sa Bacolor, Pampanga ang truck at papunta sana sa town proper ng Majayjay nang mangyari ang aksidente.
Batay naman sa abiso ng lokal na pamahalaan ng Majayjay, sa ngayon ay pansamantala munang isinara sa mga motorista upang ayusin ito habang ginagamot pa sa ospital ang mga biktima.

