Antas ng krimen sa NCR, bumaba ng 17% – PNP 

NABAWASAN umano ng 17% ang antas ng kriminalidad sa National Capital Region (NCR) simula nuong Nobyembre 2021 hanggang Enero 2022.

Inihayag ni Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na simula nuong Nobyembre 20 ng nakaraang taon hanggang nuong Enero 23 ay nabawasan ang bilang ng ilang uri ng krimen.

“Magmula ng November 20, 2021 at hanggang January 23, 2022 ay nakapagtala po ng 17% decrease in crime statistics dito sa kalakhang Maynila,” ayon kay Fajardo.

Kabilang aniya ang physical injuries, theft at robbery sa mga malaking natapyasan ng mga naitalang insidente.

“Halos lahat ng focus crimes dito sa Metro Manila ay bumaba at itong trend na ito ay nakita din natin sa ibang regions,” dagdag ng opisyal.

Kabilang din aniya sa walong focus crimes na bumaba ang antas ay ang murder, homicide, rape, motorcycle theft at carnapping.

Tinukoy ni Fajardo ang pagpapatupad ng quarantine restrictions sa bansa kaya’t bumaba ang krimen.

“Maia-attribute natin ‘yung pagbaba na ito dahil sa mga restriction at movements at syempre doon sa mga increase of police visibility sa halos buong bansa,” pahayag pa ni Fajardo. Gayunman, hindi aniya ito nangangahulugan na magpapakakampante ang mga awtoridad lalo na’t papalapit ang May 9 national at local elections.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.