Anim na pulis Maynila, dinisarmahan dahil sa “kotong”

Share this information:

DINISARMAHAN ang anim na miyembro ng Manila Police District (MPD) dahil sa umano’y pangongotong sa isang miyembro ng Sangguniang Kabataan at kasamahan nito na nahuli sa paglabag sa curfew at nakuhanan pa ng ilegal na droga.

Nakatakdang i-inquest ngayon sa Manila Prosecutors Office sina Patrolman Kenneth Cordova, PCpl. Johndee Toledo, Patrolman Danny Rangaig, PSSgt. Jeffrey Meija, PCpl. Jigie Azores, at PCpl. Kevin John Villanueva.

Ang mga ito ay kakasuhan ng robbery extortion.

Sa imbestigasyon ng MPD- General Assignments and Investigation Section, nangyari ang insidente sa Luzon Street, Barangay 314 Sta. Cruz, Maynila.

Base sa reklamo ng complainant na si Jericho Laniog, 24 anyos, SK Chairman at nakatira sa 1406 Doroteo Jose Street, Brgy. 313, Sta, Cruz, Maynila, kasama nito ang isa niyang kaibigan na hindi pinangalanan sa report.

Inakusahan umano sila ng paglabag sa curfew at nang kapkapan ang kasama ni Laniog ay nakuhanan ng drug paraphernalia.

Dinala sila sa Padre Algue Police Community Precinct (PCP) at dito na hiningan ng pera ang mga complainant kapalit ng kanilang paglaya.

Ayon sa complainant, nagbenta ito ng motorsiklo at alahas upang mabuo ang halagang P47,000 na hinihingi umano ng naturang mga pulis.

Dahil sa nasabing reklamo agad na dinisarmahan ni PLt. Col. Magmo Gallora Jr. ang kanyang mga tauhan at pinosasan saka dinala sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center para sa physical examination bago tinurn-over sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) para sa tamang pag-iimbestiga. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.