IPATUTUPAD na sa Lungsod ng Maynila ang Ordinance No. 8773 o ang “Granting General Tax Amnesty” simula Oktubre 1 matapos lagdaan ito ni Manila Mayor Francisco Domagoso.
Ang nasabing ordinansa ang sinasabing siyang magre-resolba sa hinaing ng mga driver at operators, maging mga pribadong sasakyan, kaugnay sa hinaing ng malaking multa sa paglabag sa batas trapiko lalo na ang ipinatutupad na “no contact apprehension” sa lungsod.
Sa nasabing amnestiya, kasama rito ang karagdagang multa, surcharges, at interest sa mga drayber ng pribadong sasakyan, pampasaherong jeep, truck, at mga taxicabs na paulit-ulit na lumabag sa batas trapiko.
Ang naturang amnestiya ay hanggang Disyembre 29 kung saan halos higit sa 57,000 traffic violators ang naitala sa loob lamang ng pitong araw na naganap nito lamang nakaraang linggo.
Maaalala na nagsagawa ng pagkilos ang ilang samahan ng tsuper at operators malapit sa Bonifacio Shrine sa Manila City Hall kung saan sigaw nila ang napakalaking bayarin at multa dahil sa umiiral na “No-Contact Apprehension.”
Sinasabing umaabot na sa P600,000 hanggang P800,000 ang bayarin ng mga tsuper at operators dahil sa penalty, na agad namang dininig at ginawan ng aksiyon ng pamahalaang lungsod sa gitna na rin ng kinakaharap na pandemya.
Pinakiusapan naman ng alkalde si Vice Mayor Honey Lacuna na amyendahan ang batas na nagresulta sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.
Maging ang paghingi ng “discount” ng mga traffic violator ay hindi mapagbigyan ni Domagoso dahil na rin sa umiiral na batas.
“Wala na yung penalty, surcharges, interes, and so on and so forth. Ito’y pangalawang amnesty na namin, lalo na ngayong pandemya, grabe maraming nahihirapang tao. Dito sa general tax amnesty, all other penalties are waived,” pahayag ni Domagoso.
Ang layunin ng “no contact apprehension program” ng lokal na pamahalaan ay upang mabawasan ang nangongotong na traffic enforcer sa lansangan at upang wala nang “closed contact” sa pagitan ng mga enforcers at driver lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Nabatid sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nasa higit 13 cameras ang nakakalat sa iba’t ibang lugar sa Maynila upang bantayan at imonitor ang mga pasaway sa kalsada.