Aluminum installer, arestado sa baril at shabu sa Caloocan

BAKAL na rehas ng kulungan at hindi aluminum ang hahaplusin ng isang aluminum installer na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng baril at shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong suspek na si Gilberto Meralina alyas “Boy,” 51 anyos, aluminum installer, ng No. 212  Acco Homes Brgy. 176, Bagong Silang.

Ayon kay Col. Mina, dakong alas-5 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo, kasama ang 6th Mobile Force Company-Regional Mobile Force Batallion-National Capital Region Police Office (MFC RMFB-NCRPO) ng buy-bust operation sa Acco Homes, Brgy., 176.

Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl. Aries Buenaobra na nagpanggap na buyer sa suspek ng P7,500 halaga ng droga.

Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula sa poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa suspek ay agad lumapit ang back-up na operatiba at inaresto si Meralina.

Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang sa 10 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money, isang cal. 9mm pistol na kargado ng isang magazine at apat na bala.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.