Alkalde sa CAMANAVA at AstraZeneca, nagkasundo sa bilihan ng COVID-19 vaccine

Share this information:

Tiniyak ng apat na alkalde ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) sa kani-kanilang mga nasasakupan na magkakaroon na ng bakuna para sa COVID-19 na magagamit sa kanila simula sa ikalawang quarter ng taon.

Ito ay matapos ihayag ng mga alkaldeng sina Oscar Malapitan (Caloocan), Antolin Oreta III (Malabon), Toby Tiangco (Navotas) at Rex Gatchalian (Valenzuela) na sila ay nakipag-kasundo na sa British-Sweden multinational pharmaceutical company na AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna sa COVID-19.

Ayon kay Malapitan, hindi bababa sa 600,000 doses ang bibilhin ng pamahalaang lungsod sa AstraZeneca bilang bahagi ng COVID-19 vaccination program ng lungsod.

“Tuluy-tuloy ang ating paghahanda para sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19. Nakikipag-ugnayan tayo sa mga pharmaceutical company upang matiyak na makakakuha tayo ng bakuna kapag ito ay aprubado na ng Inter-Agency Task Force at Food and Drug Administration,” ani Mayor Oca.

Sinabi naman ni Oreta na ang Malabon ay naglaan din ng paunang halaga na P150-milyon sapagkat ito rin ang tiniyak ng parehong pharmaceutical company para sa bakuna sa COVID-19.

Sa Navotas, sinabi ni Tiangco na sumang-ayon ang AstraZeneca na ibigay sa lungsod ang paunang 100,000 doses na maaaring mapakinabangan ng 50,000 na residente dahil dalawang doses ang kinakailangan para sa bawat indibidwal.

Aniya, inaprubahan ng city council ang paglabas ng P20-milyon para sa layuning ito.

 “Good news! Valenzuela City signs a deal with AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines for the advance purchase of 640,000 AstraZeneca vaccine doses” ang pahayag naman ni Mayor Gatchalian sa kanyang Facebook page.

Ani Gatchalian, inihahanda na nila ngayon ang vaccine roll out plan ng lungsod upang maging maayos na ang distribusyon ng bakuna sa oras na ito ay dumating sa bansa.

Nasa 320,000 mga indibidwal ang mababakunahan, na 70 porsyento ng target na populasyon ng lungsod (hindi kasama ang 18 taong gulang pababa).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

Mayor "Isko" destroys fake products

Mon Jan 11 , 2021
IN PHOTOS: Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Vice Mayor Ma. Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan and Manila Police Department (MPD) chief Police Brigadier General Leo Francisco lead the destruction of fake and unregistered medicines, cologne bottles and other cosmetic products from China that were seized in Binondo warehouses last November […]

Follow Us

%d bloggers like this: