NAIS ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na manatili muna sa Alert Level 2 status ang Metro Manila dahil inaasahan na maglalabasan ang mga tao sa panahon ng Kapaskuhan.
Ito ang isa sa mga pag-uusapan sa gaganaping pagpupulong ng mga opisyal ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa Huwebes.
“Para sa akin dapat siguro tama lang manatili muna tayo sa Alert Level 2. Bakit kamo? Unang-una, ang mobility tataas na naman nitong kapaskuhan, alam natin ‘yan. At lalo na’t nagbabadya ang Omicron variant,” pahayag ni Duque.
Hindi naman binanggit ni Duque kung irerekomenda niya na ibaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila pagkatapos ng Kapaskuhan.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na naging epektibo ang ipinatupad na alert level system sa bansa dahil kaunti na lamang ang mga lugar na isinailalim sa granular lockdown.