Breaking News

Share this information:

Walong katao, isa na rito ang punong barangay ng Hulong Duhat, ang pinatay sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob lamang ng dalawang linggo sa lungsod ng Malabon.

Kaugnay nito, nagtalaga ng 100 pulis si Northern Police District (NPD) director Police Brig. Gen. Eliseo DC. Cruz bilang karagdagan sa may 400 pulis na nakatalaga sa lungsod.

Kahapon lamang ay pinagbabaril sa sariling bakuran nito si Punong Barangay Anthony “Tune” Velasquez ng mga ‘di pa nakikilalang kriminal.

Pawang sakay ng motorsiklo, tinangkang pasukin ng mga namaril ang harapan ng bahay ni Velasquez, nagpaulan ng bala at dagling tumakas. Agad namang itinakbo si ‘Kap Tune’ sa Manila Central University Hospital, kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Dalawang magkasunod na araw bago ito, pinatay sina Sonny Boy Pardillo, 39, habang naglalakad sa P. Aquino St. sa Tonsuya at si Valentino Espinosa, 34, habang natutulog sa sariling bahay sa P. Concepcion sa Tugatog ng dalawang di pa nakikilalang de-baril na salarin sa magkahiwalay na pangyayari.

Bago pa ito, pinutukan si Marlon Santiago sa kanyang bahay sa Plata St., Tugatog, hapon ng January 8, habang ang 37-anyos na si Ace Bade ay binaril sa bilyaran sa Tonsuya, 9:55 ng gabi ng January 7. January 5 ay pinaslang din si Rodolfo Carpentero, 46, ng hindi kilalang kriminal, sa Kagitingan St., sa Bgy. Muzon.

Isa namang security guard na kinilalang si Yasser Ampuan, 21, ang namatay sa putok ng shotgun sa Bgy. Panghulo noong Disyembre 27.

Napaulat na dati na nakatanggap ng mga death threat si Velasquez sanhi ng aktibong partisipasyon nito sa anti-drug campaign ng lungsod na epektibong nagpababa sa insidente ng droga sa Barangay Hulong Duhat.

Magugunitang nabalot ng kontrobersiya si Velasquez nang mapasama ang pangalan nito sa kumalat na “drug watch list” apat na taon na ang nakakaraan, subalit itinuring naman nito at ng kanyang pamilya na kagagawan lamang ito ng mga katunggali sa pulitika.

Sa kabila nito, masigasig itong nakipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), partikular sa mga buy-bust operations nito, kung saan diumano ay ‘nasagasaan’ ni Velasquez ang modus ng Zapanta Group na pinangungunahan ng isang dating pulis na natanggal sa serbisyo kaugnay ng pagkasangkot sa ilegal na droga.

Mariing kinondena ng Liga ng mga Barangay sa Malabon, sa pamumuno ni ABC President Ejercito Aquino, ang pagpatay kay Velasquez, gayundin ang iba pang kaso ng karumal-dumal na pamamaril sa lungsod lalo na nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa Liga, “walang dapat na maging biktima ng mga walang saysay na pagpatay” kung kaya’t hinihiling nito sa Philippine National Police na “masusing imbestigahan at aksyunan ang mga kasong ito upang magdulot ng hustisya sa mga biktima nito.”

Ipinagluluksa naman ni Mayor Antolin Oreta III ang pagkawala ng isang lingkod-bayan na may puso at dedikasyon sa serbisyo sa katauhan ni Velasquez, at ikinalulungkot din nito na nangyari ang krimen sa mismong tahanan pa ng biktima.

Ipinanawagan ni Oreta ang mabilisang aksyon ng pulisya sa pamumuno ni Malabon police Chief Col. Angela Rejano at mahigpit na koordinasyon nito sa lokal na pamahalaan tungo sa pagkahuli ng mga salarin at tuluyang pagkalutas ng mga krimen.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: