NAITALA ang magnitude 5.8 na lindol sa Agusan del Norte na naramdaman sa ilang lalawigan sa Mindanao, kaninang umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-11:22 ng umaga nang magkaroon ng pagyanig na ang sentro ay natunton sa Las Nieves, Agusan del Norte na may lalim na 30-kilometro.
Nabatid pa sa Phivolcs na naramdaman ang Intensity V sa Las Nieves habang Intensity IV sa mga bayan ng Libona at San Fernando sa Bukidnon; Bayugan City, Prosperidad at Talacogon sa Agusan del Sur.
Samantala, naitala rin ang Intensity III sa Jagna, Bohol; gayundin sa mga bayan ng Baungon, Cabanglasan, Impasug-ong, Kitaotao, Malaybalay City, Malitbog, Manolo Fortich, Maramag, Quezon, Talakag, at Valencia City sa Bukidnon; gayundin sa El Salvador City sa Misamis Oriental; mga bayan ng Mawab at Nabunturan sa Davao de Oro; Digos City sa Davao del Sur; Davao City; at Hinatuan sa Surigao del Sur.
Intensity II naman ang naramdaman sa mga bayan ng Inabanga at Loboc sa Bohol; Don Carlos at Kalilangan sa Bukidnon; mga bayan ng Catarman, Guinsiliban, Mahinog, Mambajao, at Sagay sa Camiguin; Matanao, Davao del Sur; sa Banisilan, Kidapawan City, Makilala, at Tulunan sa Cotabato; habang Intensity I sa Magsaysay, Davao del Sur; Arakan at Kabacan, Cotabato; at sa Marawi City sa Lanao del Sur.
Inaasahan pa rin ng Phivolcs na magdudulot ng aftershocks at pinsala ang nasabing lindol na tectonic ang pinagmulan.