6 tauhan ng MPD arestado sa panghoholdap sa Makati City

INARESTO ang anim na miyembro  ng Manila Police District (MPD) na nakatalaga sa Malate Police Station-9 ng kanilang kabaro na taga Makati City Police matapos ireklamo ng tatlong katao  ng panghoholdap noong araw ng Miyerkules sa Makati City.

Base sa ulat ng Makati City Police ang mga biktimang nagreklamo ay sina alyas Raul, alyas Rosemarie , at isang alyas Manuel .

Pawang nakatalaga ang mga MPD pulis sa Station Drug Enforcement Unit ng Station 9 isa ay may ranggong Staff Sergeant at 5 Patrolman, inaresto sa reklamong Robbery (Hold-up) ng mga biktima.

Ayon sa ulat, nangyari ang pag-aresto alas 7:48 ng gabi ng Enero 28, 2026 sa Arsonvel St., Barangay San Isidro, Makati.

Sa reklamo sa pulisya, ang mga biktima ay inimbita ng nakilalang dalawang babae sa Malate, Maynila para kunin ang kanilang gamit sa Makati City.

Pagdating sa lugar hinarang umano sila ng grupo ng kalalakihan , tinutukan ng baril, pinadapa at iginapos ang mga kamay bago tinangay ang kanilang mga gamit at nagsitakas sakay ng mga motorsiklo.

Dahil sa insidente, iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Police Major General Anthony Aberin na tanggalin sa pwesto ang hepe at lahat ng mga tauhan ng SDEU sa MPD-Station 9, para mabigyang-daan sa patuloy na imbestigasyon.

Ang anim na suspek ay dinisarmahan at ikinulong sa Makati detention facility.

Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa kaugnay sa pangyayari upang matukoy ang iba pang posibleng anggulo ng insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.