Suspek sa “winning bacarrat scheme” natunton sa Cavite arestado

DAHIL sa luggage tracking system nahuli ang isang sinasabing miyembro ng sindikato sa “winning bacarrat scheme” sa isang restaurant sa Cavite nitong Lunes.

Nahuli ang 58-anyos na lalaking nagbenta ng mga pekeng casino chips sa halagang P20-milyon sa isang negosyante kung saan  natunton ito dahil sa tracking system.

Kinilala ng Pasay City Police Station ang suspek na si alyas “Bobby”, residente ng Valenzuela St., Sta. Mesa, Maynila, na mahaharap sa reklamong estafa (swindling).

Base sa ulat ng Pasay City Police Station sa Southern Police District (SPD), nahuli ang suspek ng pinagsanib na pwersa ng Pasay Police, Batangas Police at Dasmarinas, Cavite Police. 

Isang alyas “Dad Carlo”, 43, residente ng Lipa,Batangas ang nagreklamo na nangyari ang insidente sa loob ng hotel sa Villamor Airbase, sa Pasay City, kung saan naengganyo siya ng isang alyas “Raffy” na mag-invest ng pera sa “winning baccarat scheme” sa Resorts World Manila noong Nob. 10 at naibigay ang P20-milyon sa isang alyas “Roger” kapalit ng USD 400,000.00 halaga ng casino chips.

Makalipas ang mahigit isang oras umano wala nang bumalik sa kausap ng biktima kaya nag-verify sa casino ang negosyante at doon nadiskubre na mga peke ang casino chips.

Dahil sa built-in tracker ng luggage na pinaglagyan ng pera, natunton ng biktima ang kinaroroonan ng tao na may dala nito, kaya’t kaagad humingi ng police assistance at agad na sumalakay sa RSM Lutong Bahay Restaurant, Sampaloc 4, Dasmariñas, Cavite, kung saan dinatnan si alyas Bobby.

Nakasalang sa imbestigasyon si alyas Bobby na hawak ngayon ng Investigation and Detective Management Section (IDMS), ng Pasay CPS  para sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office.

“This arrest demonstrates our dedication to pursuing criminal elements who prey on innocent individuals. The SPD will continue to strengthen cooperation with other police units to ensure that swindlers and scammers are brought to justice,”ani SPD Acting Director P/Brig. General Randy Arceo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.