NATIMBOG ang 7 kalalakihan na naaktuhan ng mga otoridad sa pagnanakaw ng mga kable ng Philippine Long Distance Telephone company (PLDT) madaling araw ng Miyerkules sa Makati City.
Batay sa ulat kay Makati City Police Station officer-in-charge P/Colonel Pedro Alagano, mabilis ang responde ng kanyang mga tauhan kaya naabutan ang mga suspek na nagkakalas ng copper cable wires sa ilalim ng kalsada sa Edsa malapit sa panulukan ng Arnaiz Avenue, Barangay San Lorenzo, madaling araw ng Nobyembre 11, 2025.
Ang mga suspek na sina alyas “Richard”, 33; “Gilbert”, 42; “Mervin”, 38; “Joseph”, 33; “Marco”, 35; “Christian”, 33; at “Ivan”, 25, mga residente ng Manila, Caloocan, at Cavite.
Ayon sa inisyal na ulat, namataan ni PMSg Erwin Alipio, sa kanyang pag-iikot sakay ng motorsiklo, ang kahina-hinalang pagbubukas ng manhole ng mga suspek habang may nakaantabay na isang closed-van truck, kaya tumawag ng back-up.
Rumesponde agad kasama sina Patrolman Billy Jayson Vinuya at Pat. Christian Bernardo, nakita nila ang pagmamadali na sumakay sa six-wheeler closed van at umarangkada sa direksyon ng Magallanes at Skyway, na nauwi sa habulan.
Pagdating sa Doña Soledad Exit in Barangay Sun Valley, Parañaque City, ay nahuli ang mga suspek at kinumpiska ang mga nakaw na PLDT copper cables na tinatayang may halagang ₱269,824.01, cutting at digging equipment, chains, hooks, blue pushcart.
Inisyuhan din ng Official violation Receipt ang driver ng van na pawang iniimbestigahan sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati CPS para sa isasampang reklamong theft.
Nagpasalamat naman si Mr. Joel L. De Leon Jr., Asset Protection Specialist of PLDT Inc., sa mabilis na aksyon ng mga otoridad ng Makati.

