Muling binuksan ang KADIWA Market para sa mga Olongapeño na nagsimula nitong araw ng Martes, Setyembre 16 at magtatapos sa araw ng Miyerkules, September 17, 2025 na inilatag sa pamosong Marikit Theme Park.
Ang naturang proyekto ay inorganisa ng Pamahalaang Lungsod ng Olongapo sa pangunguna ni Mayor Atty. Rolen Paulino Jr., katuwang ang Olongapo City Agriculture Office.
Layunin ng dalawang araw na aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na makabili ng sariwang gulay at lokal na produkto sa mas abot-kayang presyo kumpara sa karaniwang pamilihan na mataas ang bilihin.
Bahagi ang KADIWA program ng mga inisyatibo ng lungsod upang suportahan ang mga lokal na magsasaka at maliliit na negosyante, habang tiniyak na hindi mabibigatan ang mga kabahayan sa kanilang badyet.
Hinimok ni Paulino ang mga Olongapeño na makilahok sa aktibidad, na aniya’y hindi lamang tungkol sa mas murang bilihin kundi isa ring paraan upang palakasin ang suporta ng komunidad para sa lokal na agrikultura.
Sa mga nakaraang pagkakataon, naging matagumpay ang KADIWA market na dinagsa ng daan-daang residente na naghahanap ng sariwa, masustansya at abot-kayang produkto.

