‘Mahigit P1M botante nakapagparehistro bago ang deadline’ — Comelec

Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado na umabot sa 1,725,297 ang bilang ng mga Pilipinong nakapagparehistro bago sumapit ang deadline ng nationwide voter registration.

Ayon sa Comelec, ang naturang bilang ay mula Agosto 1 hanggang Agosto 9, isang araw matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanyang pipirmahan ang panukalang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sanang ganapin sa Oktubre 13, 2025 subalit iniurong sa petsang Nobyembre 2026.

Paliwanag ng Pangulo, mahalagang maipagpaliban ang halalan upang mabigyan ng sapat na atensyon ang kauna-unahang parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bago ito, nagpahayag ng pangamba si Comelec Chairperson George Erwin Garcia na ang sabayang pagsasagawa ng BSKE at halalan sa BARMM ay maaaring magdulot ng aberya kaya’t umaasa siyang pipirmahan agad ng Pangulo ang panukalang batas na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng kongreso.

Dagdag ni Garcia, ang pagpapaliban ng BSKE ay hindi lamang magtitiyak ng maayos na halalan sa BARMM, kundi magbibigay-daan din upang makapagrehistro pa ng mas maraming bagong botante.

Batay sa tala ng Comelec, nanguna ang Calabarzon sa may pinakamaraming aplikasyon sa pagpaparehistro na may 217,386, sinundan ng Central Luzon (180,305), Bicol Region (137,129), NCR (129,943), Central Visayas (117,631) at Ilocos Region (115,803).

Samantala, naitala naman sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang pinakamababang bilang na may 32,369 lamang na aplikante.

Kasabay ng pagpapaliban ng BSKE, nakatakdang palawakin ng Comelec ang pagpapatupad ng Register Anywhere, Anytime Program (RAP) na una nang naging matagumpay sa Metro Manila.

“Sa mga ospital, paliparan, terminal, call center — tuwang-tuwa ang mga tao dahil dinadala namin sa kanila ang serbisyo,” ani Garcia, na nagsabing target nilang ipatupad ang mas pinalawak na RAP sa lahat ng rehiyon kapag tuluyan nang naisabatas ang pagpapaliban ng BSKE.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.