Idineklara ng ‘Persona non Grata’ sa bayan ng Jimenez, Misamis Occidental si Christine Medalla, ang 28 anyos na vlogger na walang pakundangang dumura sa holy water basin sa loob ng St. John the Baptist Parish Church.

Ito ay matapos na isangguni ng lokal na pamahalaan ng Jimenez sa parokya upang alamin ang kanilang hakbang sa pagpapanagot kay Medalla sa naging asal nito na malinaw na pambabastos at pagpapakita ng pagtutol ng buong komunidad sa pangyayari.

Sa resolusyong ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Jimenez, pormal na idineklara si Medalla bilang persona non grata — ibig sabihin, hindi siya tinatanggap o ipinagbabawal na syang makabalik at makapasok sa naturang bayan.
Una ng umani ng matinding pagbabatikos sa social media ang ginawang content ni Medalla, na mas kilala bilang Marry Bella o Thine Medalla, sa pagpo post nito na kung saan ay makikitang dinuraan ang lalagyan ng holy water.
Tinawag na isang aktong paglapastangan, hindi lamang sa simbahan, kundi sa pananampalataya ng mga debotong Katoliko ang ginawa ng Vlogger.
Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang simbahan bilang bahagi ng cleansing o ritwal ng pagdadalisay, alinsunod sa tradisyon ng Simbahang Katolika.
Lubos ang pagkadismaya ng mga lokal na opisyal at ng buong pamayanang Kristiyano sa naturang insidente.
“Hindi namin kailanman kukunsintihin ang ganitong uri ng kabastusan at kawalang-galang sa aming pananampalataya,” pahayag ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Samantala, nananawagan naman ang simbahan na igalang ang mga banal na lugar at isabuhay ang respeto sa iba’t ibang paniniwala.

