NAGDEKLARA ang Sangguniang Panlungsod ng Las Piñas na ‘State of Calamity’ kasunod ng malawakan at matinding pagbabaha na sanhi ng patuloy na malalakas na ulan dulot ng Habagat.
Ito ay pinagtibay sa pamamagitan ng City Resolution No. 4449-25, kung saan binanggit na 18 barangays ang apektado ng baha na umabot hanggang tatlong talampakan sa ilang mababang lugar sa lungsod.
Ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), halos 2,000 na pamilya o katumbas ng 6,000 na indibiduwal ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers ng Las Pin̈as.
Ang deklarasyon ay batay sa rekomendasyon ng Las Piñas City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) at ng Resolution No. 2025-06 ng Las Piñas Disaster Risk Reduction and Management Council (LPDRRMC), na nasasaad ang agarang aksyon dahil sa patuloy na mga panganib o peligrong hatid ng baha.
Agad pinakilos ni Mayor April Aguilar ang lahat ng concerned departments kabilang ang DRRMO, City Engineering Office, CSWDO, and City Health Office na ituloy-tuloy ang paghahatid ng tulong at magsagawa ng assessments sa mga komunidad na matinding nasalanta ng baha.
Nagpapatuloy din ang relief distribution efforts sa koordinasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, mananatiling suspendido ang pasok sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan maging sa mga opisina ng gobyerno sa Lungsod ng Las Piñas ngayong araw , Hulyo 24, alinsunod sa rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government(DILG).
Ito’y bunsod pa rin ng patuloy na pag-ulan na dulot ng umiiral na habagat, at panibagong binabantayang Bagyong Emong na kumikilos pa-timog-kanluran ng bansa.
Pinapayuhan ang lahat na mag-ingat at manatiling nakaantabay sa mga opisyal na anunsyo mula sa ating lokal na pamahalaan.

