TINAWAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na pawang malisyoso at walang katotohanan ang mga paratang na nakapaloob sa isang kumakalat na di-umano’y “white paper.”
Mariin ding pinabulaanan ni Viado ang alegasyon sa nasabing dokumento na ipinapakalat at sinasabing naipadala na sa Office of the President.
Ayon pa kay Viado, ito ay bahagi ng orchestrated at well-funded smear campaign laban sa ahensya.
Sakaling magsagawa ng imbestigasyon ang anumang ahensya ng pamahalaan, tiniyak ni Viado ang buong kooperasyon ng BI patungkol dito.
Sinabi ni Viado na natukoy na ng BI ang mga nasa likod ng mapanirang kampanyang ito.
Ayon pa sa opisyal, posibleng konektado sa kampanyang ito ang ilang dating opisyal at empleyado ng BI na naapektuhan ng ipinatutupad na “one-strike policy” at mga reporma sa loob ng ahensya.
Giit niya, hindi siya magpapatinag at itutuloy ang kanyang mandato na linisin ang sistema sa kabila ng mga banta at black propaganda.

