IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) ang ikalawang disqualification case na inihain laban kay senatorial candidate at ACT-CIS Representative Erwin Tulfo.
Batay sa kopya ng desisyon ng Comelec First Division, nakasaad dito na nabigo ang petitioner na magsumite ng kopya ng petisyon sa respondent. Ang ibig sabihin nito ay hindi nasunod ng petitioner ang mandatory requirement na nagresulta sa pagbasura sa petisyon.
Ang petisyon ay inihain noong nakaraang buwan at naglalayong ipa-diskwalipika si Tulfo dahil sa moral turpitude matapos itong ma-convict sa apat na count ng libel noong 2009.
Bukod sa kanyang kwalipikasyon, kinukwestyon din ang kanyang citizenship at ang pagbabawal sa political dynasty sa ilalim ng batas.
Una nang ibinasura ng poll body ang petisyon na inihain din ng kaparehong indibidwal na humihiling naman na i-disqualify ang iba pang mga miyembro ng pamilyang Tulfo na tumatakbo para sa halalan sa Mayo.

