SINABI ng tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ) na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga kaso ng love scam habang papalapit ang Kapaskuhan.
Ayon kay Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, malalagay sa panganib na maging target ng ganitong uri ng scam ang mga Pilipino na aktibong gumagamit o may mataas na presensya sa social media.
“Definitely, dahil ngayon, maraming tao ay nakatutok sa kanilang cellphone lalo na at Pasko na. Tayo bilang Pilipino napaka avid users tayo ng social media, kaya very vulnerable talaga ang Pilipino dito sa ganitong klaseng scam,” ayon pa kay Clavano.
Hinimok ni Clavano ang publiko na maging mas maingat at tiyakin na kilala nila ang kausap sa online platforms.
“Make sure na kung sino man ang kausap mo, siya talaga yun. Be very careful of AI videos. There are certain methods that you can search online to tell kung deepfake ba talaga yun, kung AI (artificial intelligence) ang ginagamit. Siguro ang pinaka advice is always be cautious,” dagdag niya.
“Always doubt and always be curious kung sino talaga ang kausap niyo.”
Hinihikayat din ng opisyal ang mga biktima na agad mag-report sa Office of Cybercrime ng DOJ upang agad matugunan ang anumang insidente ng love scam.

