SABAY-SABAY na paiilawin ang iba’t-ibang mga Christmas decoration bilang hudyat ng masigabong pagdiriwang ng Kapaskuhan sa lungsod ng Maynila.
Ang mga palamuti na senyales ng Pasko ay nakakabit sa iba’t-ibang lugar sa lungsod, kabilang na ang Christmas tree sa Kartilya ng Katipunan na katabi lamang ng Manila City Hall ay sabay-sabay na paiilawin bukas ng gabi.
Ang ibang Christmas decoration sa Maynila na iilawan ay matatagpuan sa Pasig River Esplanade, Rizal Park, Intramuros, National Museum, Metropolitan Theater, at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Pangungunahan ang pagpapailaw ng mga dekorasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, kasama ang ilang mga opisyal ng lungsod.
“It is our hope that the Christmas tree and decorations at key Manila landmarks will add much to everyone’s holiday cheer. May the lights inspire people to spread brightness and charity, especially in the aftermath of calamities that struck Isla Puting Bato, Vitas, and other Manila areas ravaged by fires and floods,” sabi ni Lacuna sa isang pahayag .
Kasabay nito, hinikayat din ng pamahalaang lungsod ang publiko na nais magbigay ng donasyon para sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Lacuna, mayroong drop-off center sa Kartilya ng Katipunan kung saan maaaring dalhin ng mga charitable na indibidwal, grupo, kumpanya at institusyon ang kanilang relief goods at regalo.
Tatanggapin ang mga donasyon mula Lunes hanggang Biyernes alas 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon.

