SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na mananatili ang pangalan ni dating Rep. Edgar Erice sa balota bilang kandidato para sa ikalawang distrito ng Caloocan City.
Ito ay dahil sa ang “disqualification” na desisyon ng Second Division ng poll body ay hindi pa “final and executory.”
Ginawa ni Comelec Chairman George Garcia ang paglilinaw kasunod ng desisyon ng Comelec Second Division sa diskwalipikasyon ng mambabatas.
Ayon kay Garcia, hindi pa naman final and executory ang desisyon ng Comelec na nagdidisqualify kay Erice bilang kandidatong kinatawan ng lungsod.
Sinabi ni Garcia na maaari pang umapela ang mambabatas at hanggang hindi pa final and executory ang nasabing desisyon ay mananatili pa ring kandidato si Erice.
Kahapon, tuluyan ng dinisqualify ang dating mambabatas dahil sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa ginawang bidding ng Comelec para sa 2025 Midterm election.
Dumistansya naman si Garcia sa en banc upang hindi maakusahan na kanyang iniimpluwensyahan ang nasabing kaso.
