ISINAGAWA ng Commission on Elections (Comelec) ang isang nationwide voter education roadshow bilang bahagi ng paghahanda para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE)pat Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao parliamentary elections.
At upang madagdagan ang kaalaman ng mga botante tungo sa bagong teknolohiya na gagamitin sa nalalapit na halalan ay isang live demonstration ang kasamang ginanap sa nasabing roadshow kung paano gagamitin ang bagong automated counting machine (ACM).
Inanunsyo ng Comelec sa social media na ang bagong rehistro at mga lumang botante ay magkakaroon ng pagkakataon na maranasan kung paano gumamit ng ACM.
“The goal of the roadshow is to introduce the automated counting machine to Filipino voters, to ensure they understand how to properly use the machine, and to reinforce the importance of exercising their right and responsibility to vote,” ayon sa Comelec .
Para sa buong listahan ng mga lugar kung saan gaganapin ang roadshow, ang publiko ay hinihikayat na bumisita sa opisyal na Comelec Facebook page.
Tatakbo ang roadshow hanggang Enero 30, 2025.
Ibinahagi rin ni Comelec Chair George Garcia sa isang briefing noong Biyernes na ang bansa ay kasalukuyang mayroong 68.6 milyong rehistradong botante na bahagyang mas mababa kaysa sa inaasahang 70 milyon.

