INIULAT ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang merchant vessel na may lulan na 170 toneladang semento ang tumagilid sa paligid ng katubigan ng Bayangan Island, Zamboanga del Norte kahapon.
Batay sa imbestigasyon ng PCG, nakatanggap ng tawag ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Salug mula sa kapitan ng barko na M/V V Star Sabang na si G. Zamcebar Cutaran at ipinagbigay-alam ang kanilang sitwasyon.
Ayon sa PCG, dahil umano sa hindi magandang kundisyon ng panahon, malakas na hangin at malalaking alon kung kaya pinasok ng tubig dagat ang barko dahilan ng pagtagilid nito.
Galing ng Cebu ang M/V Star Sabang at patungo sana ng Zamboanga lulan ang tone-toneladang semento.
Kaagad namang tumuloy ang “CGSS Salug” quick response team sa Labason, Zamboanga Del Norte upang makipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) para sa gagawing rescue operation.
Nailigtas naman ang kabuuang 13 crew kabilang na ang dalang semento, at ligtas na nakarating ito sa Bayangan Island.
Humiling naman ang kapitan ng barko ng mahigpit na pagsubaybay dahil sa 600 yarda lamang ang layo nito sa kanilang kasalukuyang posisyon.
Agad namang nagsagawa ng koordinasyon ang PCG sa kumpanya ng nasabing barko na kalaunan ay dumating rin ang sister ship mula kumpanya, ang MT Star Danao alas-10 ng gabi ng nasabing araw.
(PHOTO CREDIT: PCG Facebook page)

