Dalawang empleyado, nailigtas ng mga bumbero mula sa isang sunog sa Malate

NAGAWANG mailigtas ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang dalawang empleyado ng isang kumpanya makaraang ma-trap sa loob ng isang nasusunog na gusali sa  Malate, Maynila kaninang madaling araw.

Ang mga empleyadong sina Darwin Pandog at Ken Sideño na kapwa 24 taong gulang ay isinugod sa pinakamalapit na pagamutan dahil sa labis na pagkalanghap ng usok.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), dakong alas-1:34 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa Unit 3 ng tatlong palapag na Agoncillo Town Homes sa may 1627 Agoncillo Street, Malate, Maynila.

Pag-aari ng isang nagngangalang Wing Soo ang gusali na inookupahan ng Luxury and JP International Corporation.

Itinaas ang unang alarma ang sunog ala-1:39 ng madaling araw at agad rin namang nakontrol dakong ala-1:50 ng madaling araw bago tuluyang maapula eksakto alas-2:04 ng madaling araw.

Gayunman, sina Pandog at Sideno ay na-trap sa ikatlong palapag pero dahil sa pagsusumikap ng mga bumbero ay nagawa silang mailabas at mailigtas sa mas matinding kapahamakan.

Tinatayang aabot sa P225,000 ang halaga ng pinsala base sa estimasyon ng BFP.  Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga arson investigator sa tunay sanhi ng sunog.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.