Lungsod ng Maynila, handa sa nakaambang transport protest ng Manibela at Piston

NAGPAHAYAG ng kahandaan ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila tungkol sa nakaambang “Nationwide Transport Protest” ng Manibela at Piston bukas.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan na nakatutok ang kanilang mga tanggapan sa pagbibigay-serbisyo sa mga pasaherong posibleng ma-stranded dahil sa nasabing nationwide transport protest.

Tinuran ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, na naka-antabay ang buong pwersa ng pamahalaang lungsod gaya ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Manila Police District (MPD) sa magaganap na pambansang protesta sa hanay ng sektor ng pampublikong transportasyon.

Sinabi ni Abante na tulad ng mga nakaraang kilos protesta ng mga samahan ng jeepney at operator na hindi nakapag-consolidate sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan, nakahanda ang kanilang iba’t-ibang sasakyan sa mga apektadong ruta, kasabay ng monitoring para sa pagbibigay ng libreng sakay sa mga commuter. 

Nabatid na nasa 30,000 units na jeep ang hindi nakapag-consolidate at nakatakdang magsagawa ng caravan na magsisimula sa UP Diliman papuntang Welcome Rotonda at saka magma-martsa sa Mendiola sa Maynila para ihayag ang kanilang mga saloobin kaugnay ng PUVMP.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.