INILUNSAD ng Manila Police District (MPD) ang “Santa Cops” sa mga “crime hotspots” sa lungsod bilang dagdag seguridad at magbigay ng kapanatagan sa mga mamimili lalo na sa Divisoria.
Sa pangunguna ni Police Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, station commander MPD Station 2, ang kanyang mga tauhan at mga PCP (Police Community Precinct) commander ay nag-ikot suot ang Santa Claus hat upang magmatyag sa nasabing lugar laban sa masasamang loob na nais mambiktima ng mga holiday shoppers.
Tiniyak ni Lorenzo ang kaayusan at kapanatagan ng mga mamimili sa loob at labas ng malalaking malls sa Divisoria o sakop ng Moriones Police Station sa Recto, Dagupan at Sto. Cristo Street kung saan dinadagsa ng mga tao dahil sa murang bilihin na sinasamantala naman ng mga mandurukot, snatcher at mga salisi.
Ang taunang “crime prevention campaign” ay magsisilbing “mata” ng bawat mamamayan na magtutungo sa Divisoria.
Nauna nang sinabi ni MPD PBrig. General Andre Dizon na magdedeploy ito ng 1,500 personnel sa Divisoria at iba pang matataong lugar sa Maynila upang matiyak ang seguridad, kaayusan at kaligtasan ng publiko.

