NAPANSIN na may naging pagtaas sa presyo ng ilang school supplies sa Divisoria sa Maynila ilang linggo bago magbalik ang face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa Agosto.
Sa hilera ng mga stall sa M. De Santos, isang kalye sa Divisoria na kilala bilang lugar kung saan makakapamili ng murang school supplie, natuwa ang mga tindero doon dahil nagsisimula na uli tumaas kahit paano ang bentahan ng mga school supplies.
Subalit malayo pa din daw ito sa lakas ng bilihan noong bago magkaroon ng COVID-19 pandemic kung saan dinadagsa talaga ang lugar ng mga mamimili na nagmumula pa sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila at maging ibang karatig-probinsiya.
Ayon kay Rafael Encarnacion, isa sa mga nagtitinda sa lugar, hindi bababa sa P5.00 ang itinaas sa presyo ng ilang mga produktong pang-eskwela. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Notebook – P33 kada piraso o P330 kada 10 piraso ng magandang klase, mula sa P310 kada 10 piraso noon.
Nasa P12 naman hanggang P13 kada piraso o P125 hanggang P130 na ang kada 10 piraso ng ordinaryong writing notebook, mula sa halagang P110 kada 10 noon.
- Crayola – kapag single ay nasa P20 na, mula sa dating P15 kada kahon; habang mula sa P30 ay umakyat na sa P35 ang dobol na Crayola at posibleng tumaas pa raw sa P40 sa mga darating na araw, habang P50 naman ang jumbo
- Lapis (Mongol) – P85 na kada isang kahon, mula sa dating P75.
- Ballpen – P100 kada kahon na mayroong 25 na piraso, ngayon ay nasa P120 na ang presyo.
Samantala, mabibili rin sa Divisoria ang mga gunting, folder, hanggang sa mga bag, uniporme, medyas at iba pa.
Umaasa naman ang mga vendor ng school supplies sa Divisoria na sila ay makakabawi na sa negosyo, matapos na maapektuhan ng higit dalawang taong pandemya. Ito ay para na rin hindi na umasa o maghintay ng ayuda mula sa gobyerno.
Inaasahan nila na sa huling bahagi ng Hulyo hanggang sa unang bahagi ng Agosto ay magdadagsaan ang mga bibili ng school supplies.

