Panukalang batas upang pababain ang buwis sa masa at middle class, isinusulong sa Kongreso

ISANG panukalang batas ang isinusulong sa 19th Congress na naglalayong mapababa ang “income tax rates” ng “masa” at yaong mga nasa middle class.

Ang panukalang batas na tinawag na “Tax Reform Act for the Masses and the Middle Class” o TRAMM ay inihain ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara.

Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, layon ng TRAMM na tugunan ang “imbalances” at mga isyung dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law, na sadyang maliit lamang ang dalang benepisyo sa mga mahihirap at parte ng mga pamilyang nasa middle class.

Ayon kay Castro, naniniwala ang Makabayan na kapag binabaan ang income tax rates ng mga pamilyang ito, kahit papaano ay giginhawa ang kanilang buhay at mapapalakas pa ang “purchasing power” na makakatulong naman sa kabuuang domestic demand sa mga produkto.

Sa ilalim ng House Bill, itinakda sa 20 percent ang maximum personal income tax rate para sa mga individual citizen, at may exemption mula sa buwis ang unang P400,000 ng kanilang kinikita.

Ang exemptions na ito ay hindi lamang magiging limitado sa mga anak, kundi pati sa senior citizens at persons with disabilities.

Ang “cap” para sa tax-free na mga bonus ay itataas sa P150,000, mula sa kasalukuyang P90,000.

Hirit naman ni Castro sa liderato ng 19th Congress na gawing prayoridad ang panukalang TRAMM sa gitna ng walang-humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.