ISANG 43-anyos na babae ang nasa kritikal na kalagayan ngayon matapos itong pagsasaksakin ng tenant ng kanyang kapatid sa Navotas City kahapon ng madaling araw.
Inoobserbahan ngayon ang biktimang si Ligaya Cabrera, 43 anyos, ng 103 Quintos st., Brgy., San Jose sa Navotas City Hospital sanhi ng tinamo nitong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya upang maaresto ang suspek na kinilalang si Mark Vincent Picoro, tenant ng kapatid ng biktima sa pinapaupaha nitong kuwarto.
Sa report ni PSSgt. Joseph Provido kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-12:30 ng madaling araw ay nakatayo ang biktima sa harap ng kanilang bahay nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng kitchen knife at inundayan ng tatlong saksak si Cabrera sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Ilang kaanaak ng suspek na nakasaksi sa insidente ang umawat sa kanya kaya agad itong tumakas patungong Gov. Pascual Street at iniwan ang duguang patalim na ginamit sa pananaksak habang isinugod naman ang biktima ng kanyang manugang sa nasabing pagamutan.
Narekober ng pulisya ang kitchen knife na ginamit sa pananaksak habang kabilang sa tinitignan ng pulisya na posibleng motibo sa insidente ay personal na galit at hindi nabayarang upa ng suspek sa bahay ng mahigit walong buwan.

