NAKAKALULA na ang presyo ng mga produktong petrolyo sa ilang probinsiya sa Pilipinas kasunod ng walang prenong pagsipa ng halaga nito sa mga nakalipas na linggo.
Sa Puerto Princesa City, Palawan ay umabot na sa P80 ang kada litro ng premium gasoline habang mahigit P66 ang kada litro ng diesel.
Umaangal na ang mga tsuper sa lalawigan dahil sa halos wala na silang naiuuwing kita para sa kanilang pamilya at nauubos na lang sa krudo.
Ikinatwiran naman ng Department of Energy (DOE) ang malaking kontribusyon umano ang transportasyon ng suplay ng langis kaya’t mataas ang presyuhan sa Puerto Princesa City.
“Palawan is an island ano, province ‘di ba? So, siyempre ‘yung pagta-transport, ‘yung distribution cost, ‘yung handling cost, hindi mo naman puwedeng isakay ‘yung mga petroleum product sa isang commercial na tanker, ‘di ba? So, may premium talaga ‘yung transportation cost kasi ‘yun nga, ibang produkto ito, hazardous, flammable,” katwiran ni Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE sa isang panayam sa telebisyon.
Maaari umanong magkakaiba ang presyuhan ng produktong petrolyo, depende sa lokasyon o layo ng gasolinahan sa isang refinery, kung maraming kakumpitensya o mahal ang renta sa lugar na kinatatayuan nito.
“Yung mga matataas, maaaring wala silang kakumpitensya doon sa particular area. That’s part of cost of doing business. Ibig sabihin, mahal ‘yung operating cost nila, maaaring sa renta, maaaring sa manpower, maaaring sa mga utilities, depende sa services na kanilang pinu-provide,” dagdag pa ni Romero.
Bunsod ng mataas na presyo ng petrolyo, kanya-kanyang diskarte na ngayon ang mga drayber para makahanap ng mas murang gasolinahan.

