200k na mga manggagawa sa NCR, balik-trabaho sa Alert Level 2

INAASAHANG aabot ng 200,000 na mga manggagawa ang magbabalik-trabaho sa Metro Manila makaraang ibaba sa Alert Level 2 ang rehiyon.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, bunsod ito ng karagdagang 20-porsyento kapasidad na pinayagan sa mga establisyimento at negosyo.

Mula sa dating 30-porsyento ay ginawa nang 50 porsyento ang kapasidad sa indoor establishments habang mula sa 50-porsyento ay itinaas na sa 70 porsyento ang pupuwedeng kapasidad sa outdoor establishments.

According to DTI estimates, we have around 100,000 to 200,000 jobs na makakabalik,” ani Castelo.

Tinukoy ni Castelo na batay sa pagtataya ng National Economic and Development Authority (NEDA), nasa 15,000 na mga manggagawa ang magbabalik sa labor force kada linggo.

Batay sa huling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 3.16 milyon ang unemployed o walang trabaho na mga Pilipino noong Nobyembre 2021.

Samantala, sinabi ni Castelo na ang ipinapanukalang pag-aalis ng Alert Level System ay dapat na gawing dahan-dahan upang matiyak na nakasusunod pa rin ang publiko sa minimum public health standards.

Dahan dahan lang until masanay na tayo at ma-accept na natin na ‘yung new normal natin ay kasama na ‘yung mga health protocols,” dagdag ni Castelo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.