Batilyo sa Navotas, patay dahil sa tama ng bala sa ulo

ISANG batilyo ang natagpuang patay dahil sa tama ng bala sa ulo sa loob ng inuupahan nitong bahay sa Navotas City, Biyernes ng umaga.

Ang bangkay ni Ron Dionisio, 38 anyos, ay natagpuan sa ikatlong palapag ng inuupahan niyang bahay sa 49 Galicia St. Brgy. Bangkulasi dakong alas-7 ng umaga ng kanyang kaibigan na si Rex Dionisio, 42 anyos at isang construction worker.

Batay sa pangunang ulat kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, unang nakatanggap si Rex, residente ng 18 Galacia St., ng impormasyon na dinukot umano ng limang hindi pa nakikilalang mga kalalakihan ang biktima.

Nagtungo naman si Rex sa bahay ni Ron ngunit wala naman itong nakitang kakaiba sa lugar. Subalit nang umakyat siya sa ikatlong palapag ng bahay ay doon niya nakita na naliligo sa sarili nitong dugo ang biktima.

Kaagad humingi ng tulong si Rex sa mga opisyal ng Barangay Bangkulasi na kaagad namang nagreport sa pulisya tungkol sa naganap na insidente.

Nakikipag-ugnayan naman na ang pulisya sa mga opisyal ng nasabing barangay, pati na din sa mga may-ari ng mga establisimiyento sa paligid na maaaring may close circuit television (CCTV) camera at maaaring nakunan ang mga suspek habang naglalakad o umaalis sa lugar.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.