Guanzon, hinamon ang mga kapwa commissioner na magbitiw sa puwesto

MULING nanindigan si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon sa kaniyang desisyon na idiskwalipika si dating senador at tumatakbo sa pagka-pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand “Bongbong” Marcos sa pagtakbo sa Eleksiyon 2022.

Kaugnay nito, nanawagan si Commissioner Guanzon sa mga kasama nito sa Comelec, partikular kay Commissioner Aimee Ferolino, na ilabas na ang resolusyon hinggil sa kaso ni Marcos.

Bukod dito, naniniwala si Guanzon na may nagmamanipula o may nasa likod na public official kaya’t hindi pa inilalabas ni Ferolino ang nasabing resolusyon.

Giit pa ni Guanzon, hindi nararapat ang mga katulad ni Marcos na mamuno sa bansa dahil marami itong nagawang pagkakamali tulad ng hindi pagrespeto sa batas at isa umanong sinungaling na tao.

Sinabi pa nito na nakakahiya na ang kasalukuyang nangyayari sa Comelec at nawawalan na rin ng tiwala ang publiko dahil sa pagka-balam ng paglalabas ng desisyon sa kaso ni Marcos.

Dahil dito, hinamon ni Guanzon ang lahat ng nakaupo sa Comelec na magbitiw na sa pwesto dahil sa hindi maayos at mabagal na pagtupad sa trabaho.

Matatandaan na binigyan ni Guanzon ng hanggang ngayong araw si Ferolino para ilabas ang resolution sa consolidated disqualification cases ni Marcos upang malaman na ito agad ng publiko.

At sakaling walang mangyari ngayong araw, nagbabala si Guanzon na kaniyang ihahayag ang mga pulitikong nasa likod umano ni Ferolino.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.