TATLONG buhay ang kinuha ng bagyong Jolina habang kumikilos papalayo ng bansa.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), dalawa sa mga namatay sa paghagupit ng bagyo ay taga-Naro, Masbate.
Apat na residente rin sa naturang bayan ang nasugatan sa kalamidad habang may 14 pa ang nawawala.
Isang indibidwal naman ang namatay din sa Buenavista, Marinduque habang mayruong apat na residente ang nawawala sa bayan ng Esperanza sa Masbate.
Nauna na ring iniulat na lima sa labing-pitong mangingisda sa Catbalogan, Samar ang patuloy pa ring hinahanap makaraang madisgrasya sa gitna ng laot. Mayruon ding tatlong mangingisda ang nawawala sa Culaba, Biliran.
Samantala, umabot ng 83,650 indibdiwal o 20,777 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Jolina sa Central Luzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, at National Capital Region.
Tinataya naman ng NDRRMC na nasa 3,843 bahay — 3,545 partially damaged at 298 nawasak – sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas. Pumalo na rin sa P206,112,324 ang pinsala ng bagyong Jolina sa agrikultura sa mga nabanggit na rehiyon.
Sa Mimaropa at Bicol, kabuuang P206,112,324 ang napaulat na pinsala sa mga imprastruktura at mayruong hindi bababa sa sampung kalsada at tatlong tulay ang hindi nadaanan dahil sa baha at landslides.
Tinatayang 20 lungsod at bayan naman ang nakaranas ng power interruption dahil sa kalamidad bagamat ang ilan sa mga ito ay naibalik na ang serbisyo. May tatlong lungsod naman ang nawalan din ng tubig sa kasagsagan ng bagyo.

