Isa lang ang pwedeng sumama sa kandidato sa filing ng COC – Comelec

PINAALALAHANAN ng Commission on Elections (Comelec) na isa lamang ang papayagang kasama ng isang kandidato na maghahain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC), para sa 2022 local at national elections.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na magiging mahigpit ang Comelec sa filing ng COC at lilimitahan ang puwedeng sumama sa paghahain ng kandidatura at mga may kinalaman lang sa filing ang papayagan upang maiwasan ang maraming tao na dadagsa sa tanggapan ng Comelec.

Itinakda ang filing ng COC para sa national at local position sa October 1 hanggang 8, 2021.

Inaasahan naman ni Jimenez na posibleng may mga magaganap na rally sa labas ng tanggapan ng Comelec ngunit may mga nakakalat naman umanong mga tauhan ng Philippine National Police at Metropolitan Manila Development Authority na magpapanatili ng kaayusan.

Nauna nang inihayag ng Comelec na ang mga maghahain ng kandidatura sa Comelec mula sa pagka- Pangulo, senador, at party-list representative ay kailangang magpakita ng kanilang negative RT-PCR o antigen COVID-19 test na isinagawa sa loob ng  24 oras bago ang kanilang filing ng COC.

Pagdating naman sa panahon ng kampanya, papayagan naman ng poll body ang face-to-face campaign pero may mga paghihigpit upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Jimenez, limitado ang taong puwedeng mangampanya at limitado rin ang puwede nilang kausapin at puwede nilang makasalamuha.

Samantala, sa kasalukuyan ay mayroon nang  61 milyon na registradong botante para aa darating na halalan.

Gayunman, maaari pa itong madagdagan dahil nagpapatuloy pa ang voter registration makaraang payagan ng poll body ang voter registration sa mga lugar na nasa ilalim na modified enhanced community quarantine nitong Setyembre 6 kung saan bukas mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon ang Comelec election offices.

Inaasahan naman ni Jimenez na aabot pa sa 250,000 na botante pa ang magpaparehistro bago ang itinakdang deadline sa Setyembre 30.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.