EZ-2 operator, dalawa pa, arestado sa loob ng Manila North Cemetery

TIMBOG ang tatlo katao na nagsasagawa ng bolahan ng EZ-2 sa loob mismo ng Manila North Cemetery (MNC) sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa ulat mula kay P/Col John Guaigui, hepe ng Manila Police District Police Station 3 (MPD-PS 3), inaresto ng mga tauhan ng Blumentritt Police Community Precinct (PCP) ang mga suspek dakong alas 5:45 kahapon sa 9th Street, harap ng mausoleum sa loob ng Manila North Cemetery.

Kinilala ang mga suspek na sina Marietta Basa y Reyes, 50 anyos at siyang bet collector; Armando Saragoza, 44 anyos, at Manuel Balagtas, 52 anyos, EZ-2 operator at kapwa mga nakatira sa loob ng sementeryo.

Bago isagawa ang operasyon, nakatangap ng impormasyon ang operatiba ng PS-3 hinggil sa nangyayaring iligal na aktibidad sa sementeryo.

Agad namang nakipag-ugnayan ang follow-up operatives ng PS 3 sa District Intelligence Division, District Special Operating Unit at Blumentritt PCP para makumpirma ang nasabing impormasyon, kung saan inabutan ang mga suspek sa kanilang iligal na aktibidad habang nangongolekta ng taya sa ilang mga bettors.

Agad silang inaresto habang nagpulasan naman ang kanilang mga mananaya o bettors sa iba’t-ibang direksyon.

Narekober sa mga suspek ang mga iba’t-ibang denomenasyon ng peso bill at mga paraphenalia sa pagpapataya ng EZ-2.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.