Tatlo, kalaboso sa baril at shabu sa Malabon

DIRETSO sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng shabu at baril sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Dennis Forfieda, 37 anyos, ng Caloocan City, Roberto Santos, 58 anyos, ng Brgy. Longos at Rhoda Soriano, 49 anyos, ng Brgy. Potrero.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. Salvador Lalaken Jr., dakong alas-11:35 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa University Avenue, Brgy. Potrero.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na buyer sa kanilang target na si Forfieda ng P500 halaga ng droga.

Nang tanggapin ni Forfieda ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama si Santos at Soriano matapos makuhanan ng tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Tinatayang nasa 2.03 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P13,966 ang nasamsam sa mga suspek habang ang buy-bust money at isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala ay nakuha kay Forfieda.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.