Kelot, kritikal matapos paluin sa ulo at saksakin ng dalawang menor-de-edad

NASA kritikal na kalagayan ngayon ang isang 19-anyos na lalaki matapos itong pa-traidor na paluin ng matigas na bagay sa ulo at saksakin sa likurang bahagi ng katawan ng dalawang menor-de-edad na kabataan Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Inoobserbahan pa sa Caloocan City Medical Center ang kalagayan ng biktimang si Ericson Atamosa, residente ng 789 Blk 3 Lot 6 Phase 3-J, Tahong Alley, Brgy. 20 Caloocan City, matapos na isailalim sa mga pagsusuri sanhi ng mga tinamong sugat sa likod, ulo at balikat.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ni Malabon City Police chief P/Col. Albert Barot laban sa dalawang menor-de-edad na suspek na ang isa ay nakilala lamang sa alyas “Adeng,” 16-anyos at residente ng Block 12, Lot 2 Area 3 Brgy. Longos, Malabon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal II, naglalakad pauwi ang biktima, kasabay ng dalawa pang kaibigan, dakong alas-11 ng gabi sa Block 10, Phase 2, Area 3, Brgy Longos nang biglang sumulpot mula sa kanyang likuran ang dalawang kabataang suspek pagsapit sa tapat ng Longos Public Market.

Bigla na lamang hinataw sa ulo at balikat ng isa sa suspek si Atamosa habang bumunot ng patalim ang isa pa at inundayan siya ng saksak sa likod bago kapuwa mabilis na tumakas matapos na duguang napahandusay ang biktima.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo ng pa-traidor na pagsalakay ng dalawang menor-de-edad na suspek sa biktima.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.