Pasay City RTC nagpalabas na ng warrant of arrest laban sa dating diplomat ng US

IPINAAARESTO na ng Pasay City Regional Trial Court ang dating diplomat ng Estados Unidos na si Dean Edward Cheves kaugnay ng mga kaso na may kinalaman sa sexual activity sa isang menor de edad sa Pilipinas.

Ibinahagi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento ang kopya ng warrant of arrest na pirmado ni Presiding Judge Christian Castaneda ng Branch 109 ng Pasay City RTC na nagpapadakip kay Cheves sa mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law at Republic Act 9775 o Anti-Child Pornography Act.

Gayunman, inirerekomenda rin ng mababang korte ang pagpipiyansa ni Cheves ng P200,000 para sa bawat kaso.

Si Cheves ay ibinalik sa US nuong Marso 2021 dahil nahaharap din ito sa kasong kriminal sa paglabag na ginawa nito sa Pilipinas at pinapanagot sa ilalim ng batas ng Amerika.

Batay sa impormasyong ipinalabas ng US Department of Justice, si Cheves ay may nakakilalang 16-anyos na babae sa online at nagkaroon umano ng sexual activity sa menor de edad. Nakita rin ang mga video ng naturang mga aktibidad at child pornography sa device ng diplomat.

Si Cheves ay dating miyembro ng Foreign Service ng US embassy sa Manila mula nuong September 2020 hanggang February 2021.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.