SUMAMPA na sa 100 ang mga namatay na miyembro ng Philippine National Police (PNP) na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay PNP chief Police General Guillermo Eleazar, pinakahuling nagdagdag sa listahan ay ang 44-anyos na Police Staff Sergeant na nakatalaga sa Police Regional Office 1.
Sinasabing nakakumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19 o fully vaccinated na ang naturang pulis na mayruong comorbidity. Sumasailalim din umano sa dialysis ang pulis dahil sa chronic kidney disease.
“He was also on work-from-home status since the start of the pandemic, however, on August 19, he was rushed to a hospital due to difficulty of breathing and was tested positive of the said virus. On August 22, he succumbed,” pahayag ni Eleazar.
Sa huling tala ng PNP Health Services, umaabot na sa 33,438 ang mga kaso ng COVID-19 sa PNP matapos na madagdagan ng panibagong 150.
Nasa 31,492 pulis na ang gumaling sa virus infection ngunit mayruon pang 1,846 ang aktibong kaso o patuloy na nagpapagaling.
Samantala, sinabi ni Eleazar na nasa 88,940 o 40.03% ng PNP personnel ang nakakumpleto na ng bakuna habang 103,623 o 46.64% ang naturukan ng 1st dose ng COVID-19 vaccine. Ibig sabihin ay nasa tinatayang 29,606 o 13.33% police personnel ang hindi pa bakunado.

