SINABI ng Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na aalamin nito ang tungkol sa mga napapaulat na maraming health workers ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang special risk allowance (SRA) kahit para sa taong 2020.
Sinabi ni Duque sa isang interview sa telebisyon na sa kanyang pagkakaalam, ang pondo para sa 2020 SRA ay naibaba na sa DOH regional offices.
“Ang alam ko kasi naibaba na so aalamin ko kung ang mga DOH regional offices-17 regional offices kasi yan and libong mga ospital- so aalamin ko kung anu-ano itong ospital na ‘to,” ayon sa kalihim.
Paliwanag ni Duque, ang DOH regional offices saka ospital ang siyang namamahagi ng allowances.
Dahil sa nasabing usapin, pinaiimbestigahan na rin ito ni Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos dahil sa mga umano ay “administrative impediments” na pumipigil sa napapanahong paglabas ng SRA.
Sa paghain ng House Resolution 2102, sinabi ng mambabatas na may mga reklamo tungkol sa naaantalang pag-release ng allowance pati ang pagkakaiba-iba ng aktwal na halaga na dapat ibigay sa health care workers.
Matatandaan na naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P9.02 bilyon para sa SRA ng mga healthcare workers na sumasaklaw sa panahon na mula Disyembre 20, 2020 hanggang Hunyo 30, 2021.

