ASAHAN na ng mga kumukonsumo ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) na muling tataas ang singil ngayong buwan.
Sa abisong ipinalabas ng kumpanya, aabot sa 9.65 sentimo kada kilowatt-hour ang dagdag-bayad o katumbas ito ng P19 para sa mga umaabot ng 200 kilowatts per hour ang konsumo at P48 sa mga 500 kilowatts per hour ang paggamit ng kuryente kada buwan.
Ikinakatwiran ng Meralco ang pagsipa ng transmission charge sa P13.31 kWh dulot ng ancillary services ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ito na ang ika-limang sunod na buwan na nagtaas ng singil sa kuryente ang Meralco mula nuong Abril.
Samantala, muli namang nag-abiso ang Meralco na sinuspindi nito ang disconnection activities sa Metro Manila at kalapit lalawigan dahil sa pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ).
“All disconnection activities in the said areas will also be suspended to help ease the burden of our customers with the needed relief and additional time to settle their bills,” pahayag ni Meralco FVP Ferdinand Geluz. Sakop ng Meralco ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, at Rizal, gayundin ang ilang bahagi ng Batangas, Laguna, Pampanga, at Quezon.

