NASA loob na ng teritoryo ng Pilipinas ang bagyong may international name na Lupit at tinawag na sa lokal na pangalan na Huaning.
Bagamat hindi direktang makakaapekto sa bansa, ibinabala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na palalakasin ng bagyong Huaning ang southwest monsoon o Habagat.
Ayon sa PAGASA, dakong alas-singko ng madaling araw ng Sabado ng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Huaning na huling namataan sa Hilagang bahagi ng Itbayat, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 110 kilometro. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Gayunman, bagamat nasa loob ng PAR ng bansa ay naglandfall na ito sa bahagi ng Hsinchu City sa Taiwan. Inaasahang patuloy na kikilosang bagyo patungong East China Sea hanggang sa makarating ng Kyushu sa Southern Japan.

