Community transmission ng Delta variant sa NCR, posibleng nagaganap na

POSIBLE umanong mayroon nang nagaganap na community transmission ng Delta variant ng COVID-19 sa Metro Manila, base na rin sa mga datos nitong nakalipas na mga araw.

Ayon kay Dr. Guido David, sa pagtaya ng OCTA Research Group, ay posibleng mayroong 300 bagong kaso ng Delta variant kada araw sa rehiyon, base na rin sa percentage ng mga naitatalang kaso nito mula sa total infections sa bansa.

Ipinaliwanag naman ni David na kahit wala pang kumpirmasyon ay mas mabuti na ring mag-assume na mayroon na ngang community transmission ng Delta variant para mag-doble-ingat ang lahat at maiwasan ang higit pang pagkalat ng sakit.

We understand ang Department of Health (DOH), sila ang official body, kino-confirm nila ito through genome sequencing. We’re an independent group, (and) we can say based on statistics, based on sampling, yung nakita nating Delta variant cases, tumataas na sa 25 percent. Dati, nasa 15 percent,” ayon kay David, sa panayam sa teleradyo.

Kung 300 cases per day, masasabi natin talagang merong community transmission. In the interest of safety, kahit wala pang confirmation na community transmission, it’s better to assume na merong community transmission para magdoble-ingat tayo,” paliwanag pa niya.

Sa kabila naman nito, kumpiyansa si David na kung malulusutan ng bansa ang pagkalat ng Delta variant at mas marami sa mga mamamayan ang mababakunahan, ay maaari pa ring magkaroon ng Maligayang Pasko ang mga mamamayan.

Ito na ang last major hurdle natin sa taon. ‘Pag malusutan natin ito, madami na ang nabakunahan sa Metro Manila, we’re going to have a booming 4 months… We will have a Merry Christmas,” aniya pa.

Batay sa datos ng DOH, hanggang nitong Miyerkules ay mayroon nang kabuuang 216 Delta variant case ang bansa, mula sa 9,725 samples na isinailalim sa genome sequencing.

Sa naturang bilang, 16 na lamang ang aktibo, walo ang namatay at 192 naman ang nakarekober.

Sa pinakahuling batch naman ng 97 bagong natukoy na Delta variant cases, nabatid na 25 ang nasa Metro Manila.

Kaugnay nito, sinabi rin ni David na base sa projections ng OCTA Research Group, makakaabot pa ang Metro Manila sa 2,000 daily cases ng COVID-19 sa Agosto 10, ngunit ngayon pa lamang aniya ang bilang ng mga naitatalang impeksiyon ay umaabot na sa 1,700.

Nagdeklara naman na si Pangulong Rodrigo Duterte na muling isasailalim ang Metro Manila sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20 upang mapigilan ang higit pang pagkalat ng Delta variant sa rehiyon.

Gayunman, sinabi ni David na maaari pang ma-extend ang naturang ECQ kung patuloy na tataas ang bilang ng COVID-19 cases.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.